PAGPAPAKAWALA KAY KALILAYAN SINAKSIHAN NI BOKAL SUAREZ
nina DEMA P. HUTALLA / BABES MANCIA BORJA


UNISAN, QUEZON - isang pawikan ang pinakawalan ng grupo ng Tanggol Kalikasan kasama ang iba pang ahensya at mga bokal na sina Jay-jay Suarez at Rommel Edaņo noong ika-4 ng Marso sa Tayabas Bay sa bahagi ng Barangay Agiling, bilang bahagi ng kampanyang "SAVE THE ENDANGERED SPECIES"
Ang pawikan ay kinilalang isang uri ng Olive Ridley (scientific name) ay nahuli ng isang mangingisda na si Rommel Alas ng Barangay Muligin noong ika-27 ng Pedrero habang siya ay nangingisda. Ayon kay Alas, ang pawikan ay nahuli niya sa pamamagitan ng kitang (biwas). Nagulat na lamang siya ng biglang may kumagat na kung anong malaking bagay at ng kanyang tingnan ay isang malaking pawikan pala. Tinuran pa nito na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nakahuli siya ng pawikan. Pangatlong beses na po akong nakakahuli ng ganito. Ang naunang dalawa ay pinakawalan ko na lamang po at ito ngang ay inialok pa sa akin ng ilang mamimili sa halagang P 1,500.00. ngunit tinuran nito na alam naman niyang kakatayin lamang ito kaya't minabuti niyang ipagbigay alam na lamang ito kay Bokal Jay-jay Suarez ng naturang bayan na siyang bumili ng pawikan.
Agad namang itinawag ito sa tanggapan ng Tanggol Kalikasan kay Atty. Asis G. Perez, area director at ipinabatid rink ay Bokal Rommel Edaņo, chairman ng Committee on Environment ang tungkol sa naturang pawikan.
Ang Olive Ridley turtle na may lawak ng 68 centimeters at habang 69 centimeters ay opisyal na pinakawalan sa Tayabas Bay ganap na alas 10:45 ng umaga sa lalim na 36 talampakan (6 fathoms) na pinangalanang "Kalilayan" hango sa dating pangalan ng Unisan.
Sinumang manghuli o kumatay ng anumang uri ng endangered species gaya ng nasabing pawikan ay may kaparusahang 12-20 taong pagkabilanggo at multang 200 libong piso ayon kay Atty. Perez.

[ BACK ]