YAMANG
DAGAT, NASABAT
by JOHN BELLO
Lucena
City - Muling nakasabat ang grupo ng Task Force Matatag at ilang
kawani ng Maritime Police sa nasabing Lungsod ng dalawang libong
sakong White Coral Sand na pagmamay-ari ni Luz Alvarez taga Brgy.
Cotta, Lucena City. Ang naturang White Coral Sand ay nagmula sa
lungsod ng Masbate. Batay sa Shipment Clearance na iginawad ng Provincial
Environment and Natural Resources Office ng San Rafael, Sanpascul
Masbate City kay Vicente Batiancillo, ang mga ito ay isinakay sa
M/B Cookie, Arayat noong July 29, 2004, taliwas sa petsa na nakalagay
sa permit na dala-dala ng driver ng truck na sinakyan ng 2,000 sakong
puting buhangin na may petsang May 7, 2004.
Ayon kay Glenn M. Forbes ng Tanggol Kalikasan, at miyembro ng Task
Force Matatag nakarating sa kanyang kaalaman ang pagdidiskarga ng
naturang White Coral Sand ganap na ika-siyam ng umaga, July 29,
2004, kung kaya't agad niyang tinawagan ang ilang miyembro ng Task
Force Matatag upang magsagawa ng operation. Mabilis din ang pagresponde
ng local at national media kasabay ang pagdating ng ilang kapulisan
ng Lungsod ng Lucena. Ganap na ika-labing isa ng umaga tapos ang
operasyon.
Dagdag pa niya, nakiisa naman sa nasabing operasyon ang kawani
ng PNP Maritime sa pamamagitan ng pagpara sa truck na sinakyan ng
dalawang libong sakong buhangin.
Samantala ayon naman kay Glenn M. Ladiana ng Beureau of Fisheries
and Aquatic Resources- Region IV-A, matagal ng nagsasagawa ng pagbibiyahe
ng ganitong klase ng buhangin, subali't kataka-takang hindi ito
nahuhuli ng awtoridad na nakabase sa loob mismo ng Dalahican Fishing
Port.
Ayon kay PCI Agustin Ringor ng PNP Maritime na nakabase sa loob
ng Dalahican Pier, lingid diumano sa kanilang kaalaman na kasama
sa ipinagbabawal kunin sa ilalin ng dagat ang ganitong klase ng
buhangin. Kung kaya't hindi nila hinuhuli ang mga nagdidiskarga
at maging may-ari nito.
Kinumpirma naman ng kawani ng DENR na si Dr. Jun Balagas na isa
nga ito sa ipinagbabawal kunin sa ilalim ng dagat.
Malinaw na isinasaad ng Batas Pampangisdaan o RA 8550, Section
92 na ipinagbabawal ang iba pang pamamaraang nakakapinsala sa coral
reefs at iba pang tirahan ng mga hayop sa dagat. Sinuman ang mahuhuling
nagsasagawa ng ganitong gawain ay maaring mabilanggo mula dalawang
(2) hanggang sampung taon. Maaari din magmulta mula
P/ 100,000 hanggang P/ 500,000, parehong pagkabilanggo at multa
ayon sa kapasyahan ng hukuman at pagkumpiska sa huli at mga kagamitan.
Nakilala naman ang driver ng truck na si Wilfredo Ayapana Cabayro
taga Lucena City. Aniya, sa Brgy. Talao-Talao umano nila dadalhin
ang mga buhangin at wala pang siguradong pagdadalhan ang mga ito
dahil per order daw ang pagbebenta ng naturang buhangin. Nakilala
din ang may -ari ng truck na si Ermelinda Dala na may plate number
XHY 430.
Sinikap naming kapanayamin ang may-ari ng naturang buhangin na
si Luz Alvarez, subalit tumanggi siyang magbigay ng pahayag. Sa
kasalukuyan nakasampa na ang kaso sa Municipal Trial Court ng Lungsod
ng Lucena laban sa may-ari at shipper/consigner na si Vicente Batiancillo.
Nagkakahalaga naman ng nasa P/ 100,000 ang market value ng naturang
buhangin. Subalit 500 sako lamang ang idiniklara ng may-ari nito
taliwas sa bilang na nakalagay sa Shipment Clearance na hawak nila,
bagay na inakala ng may-ari nito na mapapababa ang kanyang parusa.
Sa kasalukuyan, nasa pamamahala ng PNP Maritime ang naturang dalawang
sakong puting buhangin o isang ten wheeler truck.
[
BACK ] |